Malinis na Pista sa Quiapo Hiling sa mga Deboto

Maynila. Isang malinis at luntiang pista ang hiling ng EcoWaste Coalition, isang samahang kontra aksaya at basura, sa mga deboto na inaasahang daragsa sa Quiapo sa susunod na linggo.

“Kami ay nananawagan sa mga deboto, laluna sa mga mamamasan, na gunitain ang pista ng Quiapo sa paraang hindi mapag-aksaya at makalat,” pakiusap ni Manny Calonzo, Pangulo ng EcoWaste Coalition.

“Ang pagdiriwang na malinis at luntian ay tanda ng ating dalisay na pasasalamat, pananalig at parangal sa Mahal na Poong Nazareno,” wika pa niya.

“Sa pakikiisa ng mga deboto, tindero at mga pinuno ng simbahan at barangay ay tiyak na maiiwasan ang sanlaksang basura sa pista na hindi lamang pangit sa mata kundi banta rin sa kalusugan at kalikasan,” dagdag niya.

Ipinahayag ng EcoWaste Coalition ang kanilang pangamba na baka maulit ang marumi at makalat na tanawin sa Plaza Miranda at mga karatig pook na nasaksihan noong nakaraang pista.

Nagmistulang isang malaking tambakan ang Quiapo noon dahil sa sari-saring mga basura na walang patumanggang itinapon sa mga bangketa, daan at liwasan.

“Pagod na pagod ang mga tagawalis at tagapangolekta ng mga trak-trak na basurang iniwan na lang sa lansangan noong nakalipas na pista,” ayon sa EcoWaste Coalition.

Ang marumi at makalat na pista, puna ng EcoWaste Coalition, ay nakapagpapapusyaw rin sa magandang layunin ng pamamanata.

Tungo sa malinis at luntiang pagdiriwang ay iminumungkahi ng EcoWaste Coalition ang mga sumusunod na patnubay para sa mga deboto:

1. Iwasan ang paninigarilyo upang hindi makalikha ng basurang usok at upos.
2. Kung hindi maiiwasan ang sigarilyo, huwag ihagis kung saan-saan ang upos pagkatapos.
3. Ilagay sa tamang tapunan ang nginatang “chewing gum.”
4. Huwag dumura sa pader, bangketa o kalye.
5. Huwag umihi sa tabi-tabi.
6. Ibalik ang mga pinag-inuman at pinag-kainan sa pinagbilhan.
7. Isauli sa tindera ang pinagtuhugan ng paboritong miryenda tulad ng pritong saba o fishball.
8. Ilagay ang mga panapon sa tamang lalagyan at huwag na huwag magkalat.
9. Magbitbit ng “reusable bag” upang maiwasan ang paggamit ng plastic para sa anumang pasalubong bibilhin.


EcoWaste Coalition
Unit 320, Eagle Court Condominium, Matalino St.
Quezon City, Philippines
+63 2 9290376
ecowastecoalition@yahoo.com

Comments