“Running Priest” May Ispesyal na Dasal para sa Kalinisan ng Traslacion 2016 (“Nawa’y hugasan po Ninyo ang aming mga puso, isip at kaluluwa upang amin ding makita ang kasalanan ng pagkakalat” – Fr. Robert Reyes, OFM)


Bilang pakikiisa sa panawagan ng Simbahang Katoliko, gobyerno at ng EcoWaste Coalition na iwasan ang paglikha ng sangkaterbang basura sa paggunita ng Traslacion, isang paring Pransiskano ang kumatha ng isang dasal upang hilingin ang kaukulang kapatawaran at patnubay ng Mahal na Poong Nazareno.

Sa isinagawang programa ng EcoWaste Coalition kahapon sa tapat ng Simbahan ng Quiapo ay unang binasa ang “Panalangin sa Poong Nazareno para sa Kalinisan ng Kalooban at Kapaligiran” na kinatha ni Fr. Robert Reyes, OFM, na bantog sa bansag na “running priest.”

Nagpasalamat at nagbigay-papuri si Fr. Reyes sa Poong Nazareno.  “Salamat po sa taunang paggunita sa inyong pagpapakasakit para sa amin. Dulot po Ninyo ang lakas ng loob sa aming dumaraan sa sari-saring hirap at pagsubok,” wika niya.

“Nawa’y sa pamamagitan ng aming paglahok sa Traslacion, tunay ngang mahugasan ang anumang nagpapabigat sa aming buhay, kabuhayan at kalooban,” sabi niya.

“Mahugasan nawa ang aming mga kasalanan: tulad ng di pagkakasundo sa aming mga pamilya, pamayanan, pagawaan, opisina at  saan man; ng kawalan ng pakiramdam at pagmamalasakit sa mga mahal sa buhay at sa mga nangangailangan at ng pagmamatigas at di pagpapatawad sa iba,”  hiling niya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Fr. Reyes na “taon-taon po tuwing Translacion tila hindi namin nakikita kung paano namin pinahihirapan at pinaparusahan ang kapaligiran at kalikasan sa tone-toneladang basura na ikinakalat naming habang dinadaos ang Traslacion.”

“Samantalang kinikilala namin ang Inyong pagpapakasakit tila bulag naman kami sa dulot naming pasakit sa kapaligiran at kay Inang Kalikasan,” dagdag niya.

Dahil dito, humingi si Fr. Reyes ng kapatawaran sa Poong Nazareno at hiniling sa Kanya na buksan ang mga puso at isip ng mga deboto sa kanilang responsibilidad kay Inang Kalikasan.

“Nawa’y makita namin at tuluyan nang itigil ang aming kapabayaan, kawalan ng galang at pagmamahal kay Inang Kalikasan na dahilan ng kanyang abang kalagayan,” wika niya.

“Nagkakasala din po kami kay Inang Kalikasan. Tulad ng mga nagpahirap sa Inyo, Mahal na Poong Nazareno, muli namin kayong pinahihirapan sampu ni Inang Kalikasan sa lason ng aming basura at kalat,” sabi niya.

“Nawa’y hugasan po Ninyo ang aming mga puso, isip at kaluluwa upang amin ding makita ang kasalanan ng pagkakalat. Nawa’y sa pamamagitan ng Traslacion tunay na luminis nawa ang kalooban ng lahat at  luminis din ang ating kapaligiran,” dasal niya.

-end-

"Panalangin sa Poong Nazareno Para sa Kalininsan ng Kalooban at Kapaligiran"
Para sa Traslacion 2916
Ni Fr. Roberto P. Reyes, OFM


Pasalamat at Papuri sa Inyo Poong Nazareno. Salamat po sa taunang paggunita sa inyong pagpapakasakit para sa amin. Dulot po Ninyo ang lakas ng loob sa aming dumaraan sa sari-saring hirap at pagsubok. Lumalakas kami dahil nasasalamin ang inyong paghihirap sa aming  buhay. Tinitiis namin  ang sari-saring kasalatan: sa  pagkain, gamot, maayos na bahay, baon ng mga anak na pumapasok at marami pang iba. Ito po ang dahilan ng pagdagsa ng mga debotong lumalahok sa Traslacion. Hangad namin ang inyong mahiwagang biyaya  para sa kalutasan ng aming mga problema.  Inaalay po namin sa Inyo ang aming paglalakad, pagtitiis sa init, gutom, uhaw at hirap ng katawan. Buhay na  buhay ang aming pananalig sa inyong kabutihan at pagmamalasakit sa aming maliliit at karaniwang mamamayan. Isa din po sa aming mahahalagang kahilingan  ang paglilinis o pagdadalisay ng aming kalooban. Nawa’y sa pamamagitan ng aming paglahok sa Traslacion, tunay ngang mahugasan ang anumang nagpapabigat sa aming buhay, kabuhayan at kalooban. Mahugasan nawa ang aming mga kasalanan: tulad ng di pagkakasundo sa aming mga pamilya, pamayanan, pagawaan, opisina at  saan man; ng kawalan ng pakiramdam at pagmamalasakit sa mga mahal sa buhay at sa mga nangangailangan at ng pagmamatigas at di pagpapatawad sa iba.


Subalit sa panahong ito, nais din po Ninyo na aming makita ang Inyong paghihirap na nasasalamin sa kapaligiran at kalikasan. Isa pong mahalagang paalala ni Papa Francisco sa “Laudato Si” ang sumusunod: “Ang kapaligiran ay isang yaman ng lahat, pamana sa buong sangkatauhan at pananagutan ng lahat. Anumang inaari ay para lamang pangalagaan sa ikabubuti ng lahat. Kung hindi natin ito gagawin, dadalhin natin sa ating konsensiya ang bigat ng pagtalikod sa pag-iral ng iba.” (Laudato Si bilang 95)  Taon-taon po tuwing Translacion tila hindi namin nakikita kung paano namin pinahihirapan at pinaparusahan ang kapaligiran at kalikasan sa tone-toneladang basura na ikinakalat namin habang dinadaos ang Traslacion. Samantalang kinikilala namin ang Inyong pagpapakasakit tila bulag naman kami sa dulot naming pasakit sa kapaligiran at kay Inang Kalikasan. O Poong Nazareno patawarin po Ninyo ang aming kapabayaan at sa aming pagkakasala ng “pagtalikod sa pag-iral ng iba.” Hugasan po Ninyo ang aming kakitiran maging ang kabulagan ng aming paningin. Dapat lang po sa pagsama namin sa Traslacion, ang paglalakbay na gumugunita sa Inyong paghihirap at kamatayan ay higit na mabuksan ang aming mga mata, puso at kaisipan. Nawa’y makita namin at tuluyan nang itigil ang aming kapabayaan, kawalan ng galang at pagmamahal kay Inang Kalikasan na dahilan ng kanyang abang kalagayan. Hindi lang po kami nagkakasala sa sarili, sa kapwa, sa mga mahal sa buhay, mga kaibigan, sa bansa o sa simbahan. Nagkakasala din po kami kay Inang Kalikasan. Tulad ng mga nagpahirap sa Inyo, Mahal na Poong Nazareno, muli namin kayong pinahihirapan sampu ni Inang Kalikasan sa lason ng aming basura at kalat.

O Poong Nazareno hugasan po Ninyo ang aming mga pagkakasala sa sarili, sa kapwa at sa sambayanan. Nawa’y hugasan po Ninyo ang aming mga puso, isip at kaluluwa upang amin ding makita ang kasalanan ng pagkakalat. Nawa’y sa pamamagitan ng Traslacion tunay na luminis nawa ang kalooban ng lahat at  luminis din ang ating kapaligiran.


Amen.

Comments