Pakiusap sa mga Maglalakad Patungong Antipolo: Huwag Pong Magkalat

20 Abril 2011, Lunsod ng Quezon. Isang panawagang pangkalikasan ang ipinapaabot ng EcoWaste Coalition, isang environmental watchdog, sa libu-libong kabataang lalahok bukas, Huwebes Santo, sa taunang “Alay-Lakad” papuntang Antipolo City.

“Kami po ay umaapila sa mga kabataang maglalakad at mamamanata sa Antipolo ngayong Semana Santa na panatilihin ang kalinisan ng ating kapaligiran, laluna ang mga daan at simbahang daraanan,” pakiusap ni Roy Alvarez, Pangulo ng EcoWaste Coalition.


“Huwag naman po sanang maging ‘Alay-Kalat’ ang ‘Alay-Lakad’ na hindi lamang pangit sa paningin kundi tahasang paglapastangan rin kay Inang Kalikasan,” pahayag niya.


“Iwasan po natin ang pagkakalat ng anumang panapon tulad ng mga balat ng kendi, balutan ng tsitsirya, plastic bag, upos ng sigarilyo at iba pa upang ang ating panata ay maging kalugod-lugod sa Panginoong Maylikha,” dagdag ni Alvarez, isang batikang aktor na kilalang luntiang aktibista rin.


Inilabas ng EcoWaste Coalition ang kanilang paalala para sa walang basurang pamamanata upang himukin ang mga kabataan na isagawa ang kanilang paglalakad na walang perwisyong idudulot sa kapaligiran.


Tuwing Huwebes Santo, libu-libong mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at mga karatig na lugar ang pangkat-pangkat na naglalakad patungong Antipolo na may bansag na “Pilgrimage City.”


Sa mahabang paglalakad ay madaraanan nila ang maraming simbahan na kanilang isa-isang dadalawin para doon ay mag-alay ng mga taimtin na panalangin. Magwawakas ang pamamanata sa simbahan ng “Our Lady of Peace and Good Voyage” sa kabayanan ng Antipolo na kung saan ay marami ang doon na nagpapalipas ng gabi.


“Sa kahanga-hangang pagsasakripisyo ay maipamalas rin sana ninyo sa madla at sa Poong Maykapal ang sinserong pagmamalasakit kay Inang Kalikasan at ang paghahangad sa mapabuti ang kanyang kalagayan,” wika ni Alvarez.


Umaasa ang EcoWaste Coalition na hindi mag-iiwan ng mga kalat ang mga magsisilahok sa “Alay-Lakad” gaya noong mga nakaraang taon na kung saan ay sangkaterbang kalat ang naiwan ng mga kalahok, laluna sa mga pangunahing daan tulad ng Ortigas Avenue Extension, Marcos Highway at Sumulong Highway.


Para sa makaiwas sa pagkakalat, ipinapayo ng EcoWaste Coalition ang mga sumusunod:
1. Pansamantalang ilagay sa bulsa o bag ang anumang panapon at huwag ikalat sa daan;


2. Iwasan ang paninigarilyo upang walang upos na itatapon at makaiwas sa paglikha ng maruming usok;


3. Magbaon ng sariling tubig sa “reusable container” upang makaiwas sa pagbili ng “bottled water” o “palamig”na nakalagay sa “plastic cup” o “plastic bag;” at


4. Magdala ng “reusable bag” para paglagyan ng mga bibilhing panalubong sa mga mahal sa buhay tulad ng suman, kalamay, kasoy at iba pa.

Comments